Ang Katotohanan ay…
Ni minsa’y di ako naging anghelNi minsa’y di napurga ang buo kong konsiyensya
Ako yung tipong taong laging naiiwan
Sa kanyang upuan tuwing Komunyon
At di naman ako masama
Di naman ako kriminal na kinatatakutan
Ngunit hindi rin ako isang dalubhasa
Sa pag-aaral ng kabaitan
Ibig ko lang iparating, kahit ako’y ganito
Kahit ako’y nakakasakit sa mga pamumuna ko’y pagsisinungaling
Alam ko ang kagandahan pag nakaharap ko
At ang katotohanan, nakasisilaw man, ay
Tititigan ko sa mata
At sa katotohanang iyon nakita ko
Na ang matagal kong hinahanap ay narito na
At ang katotohanan ay ikaw, walang iba kundi ikaw
Hindi mo ako mapapatalikod ng lubusan
Sa liwaliw ng buhay na kinakapitan ko
Hindi mo ako kayang pilitin
Para maging isang taong hindi ko kilala
At hindi ka nga namuwersa, hindi nanulak
Linito mo lamang ako nang nagmistula kang
Malamig at matayog
At walang pakialam
Ngunit lingid man, ang mensahe mong ipinarating
Alam ko ang kalugudan pag nakaharap ko
At ang katotohanan, ikinukubli mo man, ay
Hahanap-hanapin ko hanggang iyo’y maatim
At sa katotohanang iyon nakita kong
Isa kang biyaya ng Diyos sa akin
At ang katotohanan ay hawak mo, walang iba kundi ikaw
Patatawarin mo ba ang mga nabitiwan kong panunuya
At pangakong nalimutan ng lahat liban ng puso mo?
Pakikinggan mo ba’t paniniwalaan ang katotohanan
Na ngayon ko lamang lubusang natanto?
Nawa’y oo...
by Clarisse Anne Castillo
Para kay Leonor, Mangingibig ng Liwanag
Ikaw ang tanglaw sa 'king mundo
Madalas mo itong marinig.
At siya nga ang tanglaw sa iyong mundo.
Parang araw sa umaga na gumigising sa nahihimlay mong diwa
Parang buwan na naaaninag sa mga pinakamadilim na gabi
Parang mga bituin na iyong mamasdan tungo sa isang matiwasay at mahimbing na pagkakahimlay.
Siya ang tanglaw sa iyong mundo.
Kahit masilaw ka sa liwanag ng araw, o mapuyat sa katatanaw ng kalangitan sa gabi, hindi ka magdadalawang isip.
Pagkat siya ang tanglaw sa iyong mundo.
Kahit laging sumasagi sa isip mo na sumisikat siya upang matamasa, mamasdan ng iba.
Hahabulin mo ang pagbubukang-liwayway hanggang sa dulo ng mundo.
Hihintayin mo ang pagsikat ng buwan sa kailaliman ng gabi.
Hindi ka umaasa sa mapaglinlang na apoy ng gasera. Araw at Buwan at Bituin.
Siya ang Araw at Buwan at Bituin.
Siya ang tanglaw sa iyong mundo.
Ngunit naniniwala ka na hindi ikaw ang kanyang tinatanglawan.
Ang puso ay hindi nagsasawa, ngunit napapagod din.
Unti-unti mong napapansin na hindi na sumisikat ang araw, ang buwan, ang bituin.
Ang kalangitan ay isang magandang pangitain sa mga mata ng isang bulag.
Madilim. Malamig.
Natuto ka nang umasa sa gasera. Sa gasera, sa mapaglinlang na apoy ng gasera.
Hindi mo na kailangan ng araw, ng buwan, ng bituin.
Kailangan mo nang tumuloy sa moro-morong tinatawag na buhay, kahit madilim.
Kahit nawala na ang tanglaw sa iyong mundo.
Kahit lingid sa iyong kaalaman sa iyo lang naman pala talaga nakatuon ang liwanag niya.
Na dahil napagod kang maghanap, humabol, dumungaw, hindi mo na siya nakikitang sumikat.
Ngunit hindi ibig sabihing naparam na ang minsan mong inibig na liwanag.
Siya'y sumisikat pa rin, para sa iyo.
Tatalikuran mo pa ba ang liwanag? Kakalimutan mo pa ba ang tanglaw sa iyong mundo?
==:: Kay Leonor, para sa pag-ibig niya kay
0 comment(s) :
Post a Comment