Ngayong linggo ay pinagawa ako ng paglalagom ng aking mga ganapin sa aking itinakdang gawain. Hindi ko naman ito ikinagulat sapagkat likas itong nagaganap sa mga gawain tulad nito. Ngunit aking ikinagulat nang bigla akong tinanong ng aking kapwa manggagawa ukol sa aking mga gawain kahit na wala naman siyang kinalaman dito. Ito ay aking ipinagtaka kaya't ibinahagi ko ito sa isa pang kapwa manggagawa. Siya rin ay nagtaka. Kami ay nagbiruan at sinabi kong "eh kung siya kaya ang gumawa ng mga ginagawa ko?" at doon namin napagtanto na maaaring kaya siya nagtatanong ay dahil siya ang hahalili sa aking ginagawa pagkatapos ng panahon na nakasaad sa kasunduan ng aking pananatili.
Masama ang aking loob sapagkat ibinalik ang bisa ng kontrata ng kapwa manggagawa kahit na tapos na ang kanyang mga gawain (dahil siya ang anak ng amo) at mukhang siya ang papatapusin ng aking mga gawain dahil patapos na ang aking pananatili. Sa palagay ko ay hindi ito makatarungan. Kaya ngayon ay hahadlangan ko siyang magawa ang aking mga gawain ng matiwasay. Ikakandado kong maigi ang mga nagawa kong kasulatan. Manigas talaga siya!
