para icelebrate ang blogsary ko, magpopost ako ng matino dito. itong ipopost ko ay nanggaling sa aking pribadong bloggy.
---
july 30, 2006
paggising
sa paggising ko, tinignan ko ang orasan. 5:46 ng umaga. tumingin ako sa kaliwa, ngumiti at sinambit ang “happy birthday!!!” ng nakapikit pa ang isang mata at ma-plema pa ang boses. ngumiti siya. “salamat anak.” isinukob ko siya sa aking kumot at sabay inakap namin ang isa’t isa.
habang inaakap siya, naalala ko nung bata pa ako…
ilang taon ang nakalipas, para makatulog, kinakantahan niya ako… “always keep a little prayer in your pocket” sabay magbubulukol ako sa kumot dahil tutulo ang munti kong luha na ayaw kong ipakita sa kanya. ayaw ko kasing umalis siya papuntang opisina bago ako magising. minsan nga, inaakap ko pa siya ng mahigpit. inaasahan na sa aking mahigpit na yakap ay di siya makakaalis.
ilang taon ang lumipas, ako naman ngayon ang unang nakakaalis bago siya magising. bigla kong naisip, siya naman kaya ngayon ang naghahangad na makita ako sa paggising niya? kaya ba gusto niya akong yakapin tuwing gabi?
ilang taon ang lilipas, di na namin makikita ang isa’t isa sa aming paggising. sa panahong iyon, marahil may kinakantahan na rin ako ng sarili kong hele. nangingilid ang luha pagka’t alam na sa umaga ay iiwanan ang aking munting anghel bago magising at naiiyak dahil kailangang kumawala sa kanyang munting bisig tuwing umaga. katulad ng aking ina.
0 comment(s) :
Post a Comment