Alam nating lahat na mahirap mag-aral sa U.P. Una dahil mula sa mahigit 70,000 na kumukuha ng UPCAT, 10,000 lamang ang natatanggap. Dahil dito at dahil parte ng buwis ng mga Pilipino ay napupunta sa pagpapaaral ng mga tinatawag na Iskolar ng Bayan, mataas ang pamantayan ng mga guro sa kanilang mag-aaral. Pumasa lamang sa isang asignatura at makapagtapos ng nasa oras ay malaking bagay na para sa karaniwang Isko o Iska.
Kaya naman ang magtapos ng Summa Cum Laude, ang pinakamataas na karangalang maaaring maigawad sa mga nagtatapos, ay hindi biro. Ngayong taon, napabalitang nakamtan ni John Gabriel Pelias ang pinakamataas na G.W.A. sa kasaysayan ng Unibersidad. Doon pa lamang ay dapat na talaga siyang hangaan. Ngunit mas kahanga-hanga ang kababaan ng kanyang loob na makikita dito sa panayam niya kasama si Jessica Soho.
Iginiit niya na hindi naman siya ipinanganak na matalino ngunit isa sa mahahalagang susi ng kanyang tagumpay ay ang kasipagan. Kahanga-hanga rin na pinili niyang magturo sa U.P. bagama't tiyak na maraming nagaalok sa kanya ng magandang trabaho. Pinipili niyang ibalik sa Unibersidad at sa bayan ang edukasyon na natamo niya sa U.P. Sana, marami pang produkto ng Unibersidad ang maging tulad ni John Gabriel Pelias. Ako man, iniisip ko kung paano ko nga ba maibabalik sa bayan ang apat na taon na inilagi ko sa U.P. :)
0 comment(s) :
Post a Comment